top of page

Tren sa Anonas

Sharmaine Anne Baldrez

Feb 1, 2023

Leaderboard (728x90).png

Sa istasyon ng Anonas kita unang nakita noon. Mataas ang sikat ng araw at maalinsangan ang panahon. Pawis ka subalit mukha ka pa ring bagong ligo. Naka-jacket ka kahit mainit at maraming tao.

Katulad ko, naghihintay ka rin ng paparating na tren. Pasukan na naman kaya dagsa ang mga estudyante. Nagbabalik din ang araw-araw na pakikipagbuno para lang makasakay at makarating sa pupuntahan.

Nakita ko na nakasuot ka rin ng lanyard ng Sinta. Schoolmate, 'ka ko. Napatingin ako sa iyo at nagtagpo ang ating mga mata. Napansin kong tingin ka nang tingin sa'kin at kapagkuwan ay lumapit ka.

"Um, pwede bang sumabay sa'yo papunta sa PUP? Hindi ko kasi gaanong kabisado 'yung daan," sabi mo.

Mas maaliwalas ka tingnan sa malapitan. Pinaghalong pabango at yosi ang amoy mo. Ang aga mo naman manigarilyo, sa isip-isip ko. Pero may oras ba 'yon dapat?

 "Sige."

"Salamat!"

Nanatiling isang metro ang pagitan natin hanggang sa makarating ang tren. Sabay tayong pumasok at habang umaandar, hindi mapigilan na mapapasandal ako sa'yo dahil nga siksikan. Natawa na lamang ako sa naisip ko, pakiramdam ko ay bida ako sa isang romantikong palabas.

Bago tayo makababa sa Pureza ay muntik pa akong matumba dahil sa pagpreno ng tren. Sa pagkagitla ay hinawakan mo ang braso ko. Natawa ka nang kaunti. Ang ganda pala sa pandinig ng tunog ng tawa mo.

Nginitian lang kita at naglakad na na parang walang nangyari.

"Anong course mo?"

Nagulat ako nang bigla kang magsalita.

"Journalism, ikaw ba?

"Journ din!"

"Taga-COC ka rin pala. Gusto mo bang sumakay ng tricycle o lakarin na lang?"

"Lakad na lang siguro."

Felix pala ang pangalan mo. Iyon ang unang beses na sumakay ka ng tren mag-isa. Naglakas-loob ka nang makisabay dahil sabi mo ay mahina ka sa direksyon. First year ka at ako naman ay Second Year. Ang daldal mo, habang ako ay kabaligtaran mo. Kahit ganoon, ang dami natin agad napag-usapan.

Huminto ka kamo ng isang taon kasi nagsakit ang tatay mo. Bale magkasing-edad lang tayo. Hindi Journ ang unang kurso na gusto mo pero sabi mo ay mukhang sasaya ka naman dito. May mga kaibigan ka na agad sa seksiyon ninyo kahit ‘di pa nag-uumpisa ang klase.

Tila hindi isang estranghero na noon ko lamang nakita ang pakiramdam na makausap ka. Nang sa wakas ay nasa tarangkahan na tayo ng kolehiyo ay humarap ka sa'kin at ngumiti, saka nagpaalam.

Hindi ko na naalala ang engkwentro natin na iyon sa buong araw na lumipas.

 

Isang linggo mula no’n, muli tayong nagkita.

Sa istasyon ulit ng Anonas, nakita kitang nag-aabang ng tren. Hindi sana kita papansinin pero nagsalubong muli ang ating mga mata.

"Uy, ikaw pala 'yan!"

"Hi!" 

"Tara, sabay na tayo."

Nalaman natin na pareho ang oras ng simula ng klase natin. Pagkakataon nga naman.

Nagkwentuhan lamang tayo hanggang sa makarating sa Pureza. Sabi mo, ba't gano'n sa PUP, kokonti pa lang ang mga prof na pumapasok. 'Ka ko, gano'n talaga 'yon sa adjustment period, masanay ka na. Nagtawanan tayo habang naglalakad na tila ba sanay na sanay sa isa't isa.

Magkatabi lang din pala ang ating mga silid. Hinintay mo pa akong makaupo bago ka umalis sa pintuan sabay ngiti sa'kin. Aba. Akala tuloy ng mga kaibigan ko ay boypren kita. Tinawanan ko lamang sila.

 

Isang buwan ang lumipas nang kausapin mo ako ulit. Bago iyon, madalas na kitang nakikita sa mga pasilyo ng gusali ng kolehiyo. Nahihiya akong lapitan ka at pag-isipan na feeling close, kaya iniiwasan kong magkatagpo tayo.

Nakaupo lang ako sa may gazebo nang hapon na iyon, nagpapalipas ng oras para makaabot sa libreng sakay ng LRT.

 

"Sinong hinihintay mo?"

Nakita kita pag-angat ko ng tingin.

"Uy, Felix!"

"Di mo yata kasama mga tropa mo?"

Napapansin mo pala na lagi ko silang kasama?

"Oo, nauna na sila umuwi. Hinihintay ko lang mag-alas tres.”

"Ah, okay."

Umupo ka sa tapat ko at biglang nanahimik. Nakatingin ka lang sa librong bitbit mo ngunit hindi ko sigurado kung nagbabasa ka dahil hindi ka umaalis sa pahina na 'yon.

"Okay ka lang ba?"

"Oo."

Katahimikan muli. Ilang minuto pa ay hindi mo na marahil natiis at nagsalita ka na. 

 “Actually, hindi. Nagbreak kami ng girlfriend ko.”

 Ayon naman pala. Nanahimik lang din ako, hindi ko alam ang sasabihin.

“Gusto mo ba magpuntang Main? Libre kita FEWA.”

Nagliwanag ang mukha mo pagkasabi ko no’n.

“Tara!”

Naglakad lang tayo hanggang Main Building. Nagsimula ka nang dumaldal ulit at nagkwento ka tungkol sa mga unang linggo mo sa COC.

Maya-maya pa ay naabutan natin na may nagproprotesta sa Popeye nang makarating tayo sa loob.

“Alam mo ba, nagulat ako na may ganiyan pala rito,” saad mo.

“Oh? Hindi mo ba ‘yan nakikita sa mga post?”

“Hindi. Bihira lang ako mag-online,” sabi mo sabay tawa.

‘Ka ko, gusto ko sumama sa mga ganoon. Sabi mo ikaw naman ay ayaw mo, wala ka kamong interes doon.

Nakabili na tayo ng pagkain. Kahit na ako ang nag-aya at nagsabi na manlilibre, nagpumilit ka pa rin na ikaw na ang magbabayad. Nakaupo lang tayo sa tabi ng Lagoon. Napansin ko ang muli mong pananahimik. Gayunpaman, kumportable ako sa katahimikan na ‘yon.

 

Hindi ko naabutan ang free ride. Pero sulit naman ang panahon na kasama ka kapalit niyon.


Pagkatapos nga ng araw na ‘yon, napadalas na ang ating pagkikita. Ikaw na ang lagi kong kasama imbes na ang mga kaibigan ko sa pagitan ng mga klase. Halos maikot na rin natin lahat ng kainan na nakapalibot sa Pureza. Mabilis tayong nagkapalagayan ng loob at araw-araw ay hindi ka nauubusan ng kwento.

Ayoko sa amoy ng sigarilyo. Pero alam mo ba na dahil sayo ay natutunan kong mahalin ito?

 

Ilang buwan din na halos ang tayong dalawa lang ang magkasama. Sabi nila habang mas nakikilala mo ang isang tao, mas lalo mo itong hindi magugustuhan. Ngunit iba sa akin. Patagal nang patagal, lalo kong napapagtanto na para kang isang karakter mula sa isang librong mahusay na sinulat. Kaya rin naman kitang isulat sa aklat kapares ng metapora, pero hindi pa rin ‘yon magiging sapat.

Alam ko rin na sa puntong ito, kailangan ko nang tumigil. Walang linaw ang intensyon mo at malaki ang posibilidad na maging lugi ako sa huli.

Kaya naman tumigil na ako.

Sinubukan mong kausapin ako sa text at harangin sa labas ng aming silid. Ilang beses din kitang nakita na nakaabang sa istasyon ng Anonas ngunit panay ang aking iwas. Tumagal nga lamang iyon ng isang linggo at kalaunan ay tumigil ka rin.

Ayos na siguro ‘yon sa isip-isip ko. Bakit pa patatagalin, hindi ba, kung doon lang din naman papunta?

 

Nagdaan ang ilang buwan at nabalitaan ko na lang mula sa isang kakilala na huminto ka pala sa pag-aaral. Kaya pala hindi na rin kita nakikita. Ano na kayang nangyari sa’yo? Wala akong ideya. Lagi kang nagkukwento tungkol sa sarili mo pero kung tutuusin ay isa ka pa ring misteryo para sa akin.


Isang semestre pa ang lumipas at ngayon ay nasa ikatlong taon na ako sa kolehiyo. Wala pa ring gaanong nagbago, bukod sa ikaw na ang naalala ko tuwing nagagawi sa istasyon ng Anonas.


“Ready na ba mga plakard?” tanong ng isang kasama.

Nagtipon-tipon kaming mga estudyante ngayon sa Popeye bitbit ang aming mga panawagan. Nakaupo lamang ako at naghihintay ng hudyat nang bigla kang tumawag.

 

“Hello?”

“Hello?”

“‘Musta?”

“Ayos lang. Ikaw ba?”

 “Okay lang din.”

Wala kang kibo sa kabilang linya.

 “Felix?”

“May sasabihin ako.”

“Ano ‘yon?”

“Kami na ulit ng ex ko.”

“Ah.”

“Ayon.”

“Ayon lang?”

“Gusto ko rin sana malaman bakit mo ‘ko biglang iniwasan?”

Hindi ako nakasagot.

“Tara, kita tayo ngayon. Usap tayo kung libre ka.”

“Huwag na.” Para saan pa?

“Sigurado ka?”

“Oo. Sige na ibababa ko na ‘to, medyo marami lang ginagawa.”

“Sige. Mag-iingat ka palagi.”

“Ikaw rin.”

 

Tumayo na ko at binibit ang plakard na kagagawa ko lamang. Ngayon ang unang araw ng pagsama ko sa mobilisasyon at pakiramdam ko ay isa na akong ganap na estudyante dahil dito.

Kapagkuwan ay nagpunta na rin ako sa aming hanay.

“Marcos-Duterte, walang pinag-iba!”

“Parehong tuta, diktador, pasista!”

 

Sa pagkakataong iyon ay kuntento akong itinaas ang aking kamao.


Leaderboard (728x90).png
bottom of page