
Arvin Santiago
Mar 3, 2023
.png)
Sa tuwing nadadapa ako noong bata ako, laging sinasabi sa akin na, “Ayos lang anak, kasama ‘yan sa paglaki.”
Kaya siguro habang lumalaki ako at sa tuwing sumi-semplang sa buhay, hindi ko halos iniinda ang galos, pinapagpag ko lang.
Ngayong ako’y malaki na at may mabibigat na responsibilidad nang nakakabit sa aking pangalan, ang mga sugat na pinagwalang-bahala noon ay unti-unti nang namamaga, kumikirot.
“Wala ‘yan, malayo yan sa bituka,” sabi nila. Kung kaya’t hindi na ginamot, kaya siguro hindi na rin naghilom. Namuhay na lang akong kasama ang sakit na tagos hanggang buto.
Sa araw-araw na pakikipag-sapalaran at pakikipag-kapwa, pinipilit kong maging buo na tila ba wala akong sugat.
Inakala kong mas mamahalin ako bilang tao kung buo ako at walang pagkukulang. Tama nga. Marami ang yumakap sa akin at humawak sa aking kamay.
Ngunit dahil sa hindi maipaliwanag at pambihirang hamon ng buhay, unti-unting pumipiglas ang kapit. Isa-isa na silang bumibitaw at ganoon din ako.
Dinamdam ko ang lungkot ng kanilang pagkawala ngunit pinilit pa ring bumalik. Naglakad akong patalikod, nakaharap pa rin sa nakaraan. Umaasang kahit isang anino ay may maaninag.
Ngunit wala nang natira bukod sa masasayang ala-alang paulit-ulit kong inuuwian kapag dinadalaw ako ng dalamhati. Kinailangan kong paglamayan ang mga taong buhay pa naman upang magluksa at makausad.
Napagtanto kong may mga sugat na hindi nadadaan sa pagpag. Lalo na yung mga malala at malalim. Inabot ako ng ilang taon upang matauhan at tanggapin ang sitwasyon.
Mula noon, naglakad muli ako nang pasulong tungo sa lugar na hindi ko rin alam. Basta ang tanging sigurado, nagsimula muli ako sa paghakbang.
Siguro nga totoong kapag hindi ka na disi-nuwebe, parang may sampal ng katotohanan ang dadampi sa iyong pisngi at may hanging bubulong sa iyong tainga upang ipaalala na tapos na ang oras ng liwaliw.
Hindi dahil gusto natin lumisan kaya tayo lumalayo sadyang naubos na ang oras para sa pagkakataong iyon. Ika nga nila’y nalipasan na ng panahon.
Kadalasan din, sa ating paglayo, tangan natin ang ambisyon ng “paglago”. Tayo kasing mga tao ay hindi tulad ng puno na naka-prente lamang sa iisang lugar kahit na dumaan man ang ilang delubyo.
Salungat sa mga halamang ang ugat ay naka-yakap sa lupa upang manatiling matuwid at hindi lanta, ang mga ugat na ipinagkaloob sa atin ay may kakayahang dumugo kapag nasusugatan.
Kaya kung tayo ay nasasaktan, tayo ay tumatangis. Kapag hindi na kanais-nais, tayo ay umaalis. Kahit nagdurusa ay gumagapang, kahit na dumudugo ay nagpapatuloy.
Naiintindihan ko na sila at sana ganoon din sila sa akin. May mga bagay pala talagang kailangan mong harapin nang mag-isa kahit na may takot at pangamba.
Tila ako nakipagtuos sa sansinukob. Salamat at tapos na ang madilim na bahaging iyon.
Wala na ang sugat. Peklat na lang ang naiwan. Marka ng makahulugang nagdaan, hudyat ng makabuluhang paroroonan.
.png)
