top of page

Balik-loob

Arvin Santiago

Mar 24, 2023

Leaderboard (728x90).png

Hagkan mo ako nang mahigpit,

Kahit na paulit-ulit, 

'Di na dapat pang ipilit, 

Ako na mismo ang lalapit


Dalawang taon tayong nagkalayo, 

Salamat muli tayong pinagtagpo, 

Tadhana nga'y mapagbiro, 

Biruin mo magkarugtong pa rin ang ating yugto


Akala ko'y tapos na, 

Nawala aking  pag-asa, 

Ngunit nang muli kang makita,

Nanumbalik bigla aking sigla, 


Naalala ko ating mga pinagsamahan, 

Sariwa pa rin ang mga pinagdaanan,

Puso't isip at nararamdaman, 

Nagdiwang nang muli kang makita sa daan,


Masaya akong nakikita kang maligaya,

Tumawa ka hanggang sumara ang mata,

Hinding-hindi ako magsasawa,

Makadaupang-palad ka'y isang pagpapala


Kumusta ka na nga ba talaga? 

Tagal nating hindi nagkita

Ako'y sabik na sabik sa'yong chika, 

Gumala naman tayo kung saan, halika!


Magkwento ka’t ako’y makikinig,

Interesado ako sa iyong mga hilig, 

Ayos lang din kahit tulala lang at sa kawala’y naka-titig, 

Gusto ko lang muli madama iyong pintig


Salamat at tayo’y humihinga pa rin, 

Naghihikahos ma’y patuloy nanalangin,

Minsa’y binubulong na lang sa hangin, 

Ang pangarap na buhay para sa atin,


Hanep kasi itong pandemik,

Hirap sa pag-usad mistulang trapik, 

Mabuti at ika’y nagbalik, 

Sabay nating akyatin ang bundok na kay tirik, 



Hagkan mo ako at hawakan ang aking kamay,

Muli nating bakahin ang buhay, 

Samahan ulit natin ang isa’t isa sa paglalakbay, 

Para sayo’y handa na muli akong umagapay,


Ngayong pwede na, 

Sana ay pwede pa, 

Kahit hindi na tulad ng dati,

Nandito pa rin ako kung sakali 

Leaderboard (728x90).png
bottom of page